
Ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagsimula sa pag-amin na maraming Pilipino ang nadidismaya sa serbisyo ng gobyerno at nagtapos sa matinding pangako na hahabulin ang mga nasa likod ng palpak na flood control projects.
Sa SONA, tinalakay ni Marcos ang mahahalagang programa tulad ng P20/kilo bigas sa KADIWA stores, pagsisimula ng Bataan-Cavite Interlink Bridge, at 40,000 bagong classrooms bago 2028. Pinuri din niya ang pagkakaroon ng 19,000 libreng Wi-Fi sites at paglalaan ng libreng X-ray at check-ups sa BUCAS centers.
Isa sa pinakamalakas na hiyawan ng mga dumalo ay nang mangako si Marcos na ilalabas ang listahan ng palpak na flood control projects at pananagutin ang mga opisyal at kontratista sangkot sa korapsyon. Dagdag pa rito, sinabi niyang lalabanan ang problema sa kuryente, pagtaas ng trabaho, at pagpapabilis ng digital services sa pamamagitan ng eGov app.
Sa sektor ng edukasyon at kalusugan, binigyang-diin ni Marcos ang integrasyon ng tech-voc courses sa senior high, libreng zero balance billing sa DOH hospitals, at programang YAKAP Caravan para sa libreng check-ups at screening. May plano rin ang gobyerno na magbigay ng karagdagang P1 bilyon para sa feeding programs at tiyaking kumpleto ang bakuna ng mga bata.
Ayon kay Marcos, ang Pilipinas ay handa para sa pamumuhunan. Ipinangako niya na magpapatuloy ang mababang interes na loans para sa maliliit na negosyo, dagdag na pabahay sa ilalim ng 4PH program, at pagsasagawa ng mga proyekto sa kuryente, patubig, at imprastruktura. Sinabi rin niyang wala nang natitirang rebeldeng grupo sa bansa at titiyaking hindi na ito muling babalik.