Ang insidente ng pagnanakaw ng dalawang binatilyo ay nahuli sa CCTV sa Barangay San Isidro, Taytay, Rizal nitong Lunes ng madaling araw, July 28, 2025.
Makikita sa CCTV ang dalawang lalaki na edad 14 at 17 na naglalakad sa Loyola Street. Nagmasid muna sila bago inakyat ng isa ang grills ng isang bahay para abutin ang nakasampay na pantalon. Agad silang tumakbo matapos makuha ang pantalon.
Ayon sa barangay, nakita nila ang insidente habang mino-monitor ang CCTV. Agad silang rumesponde at nahuli ang mga binatilyo sa isang computer shop. Dinala sila sa barangay para sa imbestigasyon.
Nang kunin ng barangay ang ninakaw na pantalon, sinabi ng mga binatilyo na itinapon nila ito sa may tulay dahil luma na raw. Plano nilang ibenta ang pantalon para may pambili ng oras sa computer shop.
Itinurnover na ng mga barangay tanod sa Violence Against Women and Children (VAWC) ang dalawang menor de edad para sa karagdagang aksyon.