
Ang apat na construction worker ay natabunan ng gumuhong lupa at pader sa Barangay Iruhin West, Tagaytay City, Cavite noong Huwebes ng umaga. Sa insidente, isa ang patay, isa sugatan, at dalawa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon kay Tagaytay Mayor Brent Tolentino, nangyari ito sa boundary ng Tagaytay at Silang. Galing sa Silang ang gumuho, habang sa Tagaytay naman natabunan ang barracks ng mga trabahador. Unang rumesponde ang Tagaytay LGU at Disaster Risk Office dahil hindi madaanan ang lugar nang hindi dumadaan sa Tagaytay.
Base sa ulat ng Tagaytay Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), pasado alas-10 ng umaga nang mangyari ang insidente. Isang trabahador ang agad na-rescue at dinala sa ospital, habang ang nasawi ay natagpuan gamit ang K9 unit ng Philippine Coast Guard. Dalawa pang trabahador ang pinaghahanap hanggang ngayon.
Isa sa mga nakaligtas, si Edgar Soria, ay nakalabas ng barracks kasama ang kanyang mga anak para magluto nang biglang gumuho ang lupa. Hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga pamilya ng nawawala.
Nasa maayos na kondisyon na ang sugatang biktima sa ospital. Itinigil ang search operation hatinggabi dahil sa masamang panahon at ipagpapatuloy muli alas-7 ng umaga, Biyernes.