
Ang isang 20-anyos na vendor ay namatay matapos makuryente habang nag-aayos ng yero sa kanilang bahay na binaha sa San Mateo, Rizal, noong Martes, Hulyo 22.
Kinilala ang biktima bilang si alyas “Jed,” may live-in partner at residente ng Barangay Sta. Ana. Dinala siya sa San Mateo Doctors Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival dahil sa matinding pinsala.
Ayon sa ulat ng pulisya, baha pa sa lugar nang magtanggal ng yero ang biktima. Hindi niya napansin na may live wire na nakalubog sa tubig-baha at nadikit ito sa kanya. Dahil dito, nangisay si Jed at nawalan ng malay bago siya isinugod sa ospital.
Ang kable ng kuryente ay nakakonekta pa rin sa poste sa lugar. Tumanggi na ang mga kaanak ng biktima na ipagpatuloy ang imbestigasyon dahil naniniwala silang aksidente ang nangyari.