Ang kakaibang insidente sa Shanghai, China ay nag-viral matapos hatulan ang isang lalaki ng mahigit tatlong taon sa kulungan. Nahuli siyang paulit-ulit na nilalagyan ng ‘truth serum’ ang inumin ng kanyang kaopisina para makuha ang mga plano nito sa trabaho.
Kinilala ang salarin bilang si Li, na napatunayang guilty sa kasong “inducing drug use through deception.” Ayon sa report, nakuha ni Li ang kemikal sa isang business trip matapos sabihan ng nagbenta na sapat ang ilang patak para mapaamin ang isang tao.
Sinimulan ni Li ang plano noong Agosto 2022 habang nagdi-dinner sila ng kanyang kaopisina na si Wang. Pinatakan niya ng serum ang inumin nito. Naramdaman ni Wang ang hilo at pagkalito, pero hindi pa rin nakuha ni Li ang gustong impormasyon. Inulit pa niya ito noong Oktubre at Nobyembre, na nagdulot ng hilo at pagsusuka sa biktima.
Naghinala si Wang nang mapansin na tuwing kumakain sila ni Li, doon lang siya nagkakasakit. Nagpa-test siya at lumabas na may clonazepam at xylazine sa kanyang dugo—mga gamot na pampakalma. Agad siyang nagsumbong sa pulis, at nang salakayin ang bahay ni Li, natagpuan ang bote ng ‘truth serum.’
Umamin si Li at hinatulan ng 3 taon at 3 buwang pagkakulong kasama ang 10,000 yuan na multa. Hindi na isiniwalat ang detalye ng plano ni Wang, ngunit maraming netizens ang nagtanong: “Gaano kahalaga ang planong iyon para umabot sa ganitong krimen?”