Ang Major League Soccer (MLS) Commissioner Don Garber ay tumanggi magsabi kung may parusa si Lionel Messi matapos biglang hindi sumali sa All-Star game sa Austin. Ang superstar ng Inter Miami at Argentina, kasama si Jordi Alba, ay inaasahang maglalaro laban sa Liga MX All-Star team.
Biglang lumabas ang balita na hindi makakapaglaro sina Messi at Alba, ayon sa Inter Miami, ngunit hindi malinaw ang dahilan. Ayon sa MLS rules, ang mga napiling players para sa All-Star game ay dapat sumali maliban na lang kung may valid reason gaya ng injury. Dahil dito, posibleng ma-suspend si Messi ng isang laro at mamiss ang laban ng Miami kontra FC Cincinnati.
Sinabi ni Garber na hindi pa nila masasabi ang susunod na hakbang. “Walang announcement ngayon. Pinag-uusapan pa namin ito,” sabi niya. Binigyang-diin din niya na pagod si Messi matapos maglaro ng siyam na laban sa loob ng 35 araw, kabilang ang Club World Cup at domestic matches.
Dagdag pa ni Garber, “May rules kami at kailangan sundin. Gusto naming nandito si Leo, pero kailangan din naming i-manage ang sitwasyon.” Aminado rin siyang dapat mas maaga silang nasabihan ng Miami tungkol sa hindi paglalaro ni Messi.
Si Messi, na sumali sa MLS noong 2023 pagkatapos manalo ng World Cup kasama ang Argentina, ay nagdala ng malaking impact sa liga. Dahil sa kanya, tumaas ang ticket sales at global attention ng MLS, katulad ng dating epekto ni David Beckham.