Ang isang lalaki sa New York ay namatay matapos siyang mahigop ng MRI machine habang ito ay nakaandar. Kinilala siya ng pulisya bilang si Keith McAllister, 61-anyos. Ayon sa Nassau County Police, suot ni McAllister ang isang 20-lb na kadena sa leeg nang pumasok siya sa MRI room noong Hulyo 16 sa Nassau Open MRI.
Nang lumapit si McAllister para tulungan ang kanyang asawa matapos ang MRI scan nito, bigla siyang hinigop ng makina dahil sa bakal na suot niya. Ayon sa kanyang asawang si Adrienne Jones-McAllister, "Hinila siya ng machine, at bigla na lang siyang nanlambot sa mga braso ko."
Sinabi rin ni Adrienne na ilang beses na suot ng asawa ang nasabing kadena sa parehong pasilidad. Dagdag pa niya, kinausap pa raw ni Keith ang technician tungkol dito sa nakaraang pagbisita. Sa kabila nito, sinabi ng pulisya na wala siyang pahintulot na pumasok sa kwarto habang gumagana ang MRI.
Matinding pinsala ang tinamo ni McAllister, at ayon sa kanyang asawa, nagkaroon siya ng sunod-sunod na heart attack matapos ang insidente. Hiniling ni Adrienne na patayin ang makina at tumawag ng 911, pero huli na ang lahat. "Kumaway pa siya bago siya tuluyang nanlambot," aniya.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya. Wala pang opisyal na pahayag ang Nassau Open MRI tungkol sa insidente. Paalala ng mga eksperto, bawal ang metal sa MRI room dahil maaaring magdulot ito ng peligro o pagkasugat.