
Ang TNT Tropang 5G ay isang talo na lang ang layo mula sa pagkakabasag ng kanilang Grand Slam dream, matapos muling tambakan ng San Miguel Beermen sa PBA Season 36. Para sa TNT team manager na si Jojo Lastimosa, hindi lang basta panalo ang ginawa ng San Miguel—may halong pagmamayabang, lalo na mula kay Jericho Cruz.
“Parang bastusan na,” sabi ni Lastimosa pagkatapos ng laban sa Mall of Asia Arena. Ayon sa kanya, hindi na maganda ang ginawa ni Cruz sa mga huling minuto ng laro. “Showboating na ‘yon, hindi naman dapat ganun sa basketball,” dagdag pa niya.
Depensa ni Cruz, wala naman siyang ginawang masama. “Tumatalon-talon lang ako, hindi ko naman siya tinignan. Masaya lang ako sa panalo,” sagot ng dating Adamson player na minsan ring nakasama ni Lastimosa sa NLEX.
Pero hindi ito ang naging dating kay Lastimosa. “Mayabang talaga siya. Nakasama ko na ‘yan kay Coach Yeng [Guiao] sa NLEX, ganyan talaga siya. Alam kong may mga personal issues ‘yan, dinadala lang niya sa court,” ani ni Jolas.
Para kay Lastimosa, dapat tutukan ng TNT ang laro at kalimutan muna ang drama. “Wala munang kaibigan dito,” pahayag niya habang patuloy silang lumalaban para sa natitirang pag-asa sa Grand Slam.