Ang higit 200 katao sa Cebu City ay inilikas matapos ang malakas na pagbaha noong gabi ng Hulyo 16, 2025. Ayon sa Cebu City Social Welfare Services, Barangay Cogon Pardo ang pinaka-apektado. Umabot sa 62 pamilya o 263 indibidwal ang naapektuhan mula sa 54 na kabahayan.
Nagbigay agad ng paunang tulong at pagkain ang lokal na pamahalaan habang isinasagawa ang assessment. Ayon kay Portia Basmayor, pinuno ng tanggapan, patuloy ang monitoring sa mga naapektuhan.
Kahit humupa na ang baha sa ilang kalsada, sinuspinde pa rin ang face-to-face classes dahil sa tuloy-tuloy na ulan. Inatasan ni Mayor Nestor Archival ang mga paaralan na gumamit muna ng asynchronous o modular learning para sa kaligtasan ng lahat.
Hindi lang Cebu City ang nagkansela ng klase. Kasama rin dito ang ilang bayan gaya ng Daanbantayan, Santa Fe, Samboan, Medellin, Alcoy, Tabogon, Bogo City, Santander, San Remigio, Minglanilla, at Malabuyoc.
Sa Central Visayas, kanselado rin ang mga biyahe sa dagat. Ayon sa Philippine Coast Guard, pansamantalang pinigil ang paglalayag ng mga bangkang may 15 gross tonnage pababa sa Western Bohol, at 35 gross tonnage pababa sa Northern Cebu. Nagbabala ang PAGASA-Visayas na magpapatuloy pa ang malalakas na ulan at hangin dulot ng Tropical Depression Crising.