Ang isang babae sa General Santos ay na-stuck sa drainage canal habang naghahanap ng pagkain. Ayon sa ulat, ang 23-anyos na babae mula Cotabato ay lumangoy muna sa dagat bago pumasok sa bungad ng kanal sa kahabaan ng Bula-Lagao Road. Gumapang siya ng halos 300 metro sa loob ng kanal bago siya natagpuan.
Napansin ng isang tricycle driver ang tila kamay na lumilitaw mula sa kanal. Nang kanyang tingnan, nakita niyang may babaeng humihingi ng tulong, kaya agad siyang tumawag ng saklolo.
Rumesponde ang mga opisyal ng barangay, bumbero, at disaster response team. Gumamit sila ng metal bar upang alisin ang konkretong takip ng kanal at iniligtas ang babae na inakalang bata.
Binigyan siya ng breathing apparatus matapos ang matagal na pananatili sa loob ng kanal. Agad din siyang binigyan ng first aid bago dalhin sa ospital.
Wala siyang natamong pinsala at kasalukuyang nasa maayos na kalagayan.