
Ang pasaherong si Kimberly Nakamura ay nawalan ng jewelry box na naglalaman ng wedding rings, hikaw, at diamond necklace matapos lumipad mula Manila papuntang Singapore noong June 28, 2025. Pagdating niya sa Singapore, napansin niyang nawawala na ang kanyang alahas na iniwan niya sa loob ng tote bag.
Pagbalik niya sa Manila, tumulong ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Airport Police Department para mapanood niya ang CCTV footage. Sa video, nakita ang jewelry box sa podium malapit sa boarding gate, kung saan ilang airline staff ang nakitang kumuha at sinukat pa ang alahas.
Ayon kay Nakamura, walang sinuman sa mga nakakita ng box ang nag-abot nito sa lost and found. Binalaan niya ang mga staff na kakasuhan sila kung hindi ibabalik ang kanyang mga gamit. Kinabukasan, naibalik din ang kanyang mga alahas, bagamat may mga gasgas na ito.
Sinabi ni MIAA General Manager Eric Ines na kahit hindi malinaw kung nanakaw o nakalimutang i-turn over ang jewelry box, hindi pa rin nasunod ang tamang protocol. Hindi raw ito agad nai-report at nagkapasa-pasahan lang sa mga staff.
Masaya si Nakamura na nakuha niyang muli ang kanyang alahas. Wala na siyang planong magsampa ng kasong kriminal, pero umaasa siyang may administrative charges laban sa mga sangkot upang hindi na ito maulit.