Ang Japan ay naglabas ng babala tungkol sa lumalakas na kilos militar ng China na maaaring makasira sa seguridad ng bansa. Ayon sa kanilang taunang ulat o white paper, nakapasok ang isang eroplano ng militar ng China sa himpapawid ng Japan noong Agosto ng nakaraang taon. Noong Setyembre naman, dumaan ang aircraft carrier ng China at dalawang barkong pandigma sa pagitan ng mga isla ng Japan malapit sa Taiwan.
Muling sinabi ng Japan na ang mga kilos ng China ay “seryosong banta.” Tinukoy rin na noong nakaraang taon, may 355 beses na namataan ang mga barko ng China malapit sa mga isla ng Senkaku (na tinatawag na Diaoyu sa China). Noong nakaraang buwan, dalawang aircraft carriers ng China ang sabay na naglayag sa Pacific Ocean — isang hindi pangkaraniwang hakbang sa loob ng Japan’s exclusive economic zone.
Inamin ng Beijing na ang mga ito ay bahagi lamang ng “normal training,” ngunit ayon sa ulat, malinaw na nagpapakita ito ng lakas laban sa Japan. Pinag-igting din ng China ang joint military exercises kasama ang Russia, na mas nagdulot ng pangamba sa panig ng Tokyo.
Binanggit din ng Japan ang patuloy na panganib mula sa North Korea. Ayon sa white paper, mas malala at mas mabilis na banta ang dulot ngayon ng North Korea sa kanilang pambansang seguridad.
Pinalalakas ng Japan ang ugnayang militar nito sa Estados Unidos at iba pang kaalyado para maging mas handa kung sakaling magkaroon ng tensyon sa Taiwan. Isinusulong din ng US na taasan ng Japan at Australia ang kanilang defense spending at ipakita kung anong papel ang kanilang gagampanan kung magkaroon ng giyera sa pagitan ng China at US.