Ang sikat na seryeng ‘Stranger Things’ ay naglabas na ng teaser para sa kanilang ikalima at huling season. Ipinakita sa video ang bayan ng Hawkins, Indiana na puno ng mga sundalo matapos mabuksan ang mga rift o lagusan patungo sa Upside Down, isang madilim na alternatibong mundo.
Makikita rin ang paghahanda ng mga bida para sa matinding labanan laban kay Vecna, habang kasabay nito ang pag-atake ng mga kilabot na Demogorgons. Ayon sa Netflix, “Ang huling labanan ay paparating — kasama ang isang kadilimang mas malakas kaysa dati.”
Kailangan ng buong grupo sa huling laban, ayon pa sa Netflix. Dapat silang magkaisa isang huling beses para tapusin ang bangungot na dulot ng Upside Down.
Ang ‘Stranger Things 5’ ay ilalabas sa tatlong bahagi: Nob. 27 ang unang bahagi, Dis. 26 ang pangalawa, at ang pinakahuling yugto ay sa Enero 1.
Kasama sa cast sina Millie Bobby Brown, Finn Wolfhard, David Harbour, Winona Ryder, at Linda Hamilton, kasama pa ang iba pang orihinal na gumanap sa serye na unang lumabas noong 2016.