
Ang Pangalawang Pangulo Sara Duterte ay nagpahayag ng suporta sa mga senador na nananawagan ng pansamantalang pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa ilalim ng house arrest sa The Hague, Netherlands.
Nagpasa ng resolusyon sina Senators Bong Go, Ronald Dela Rosa, at Robin Padilla, na humihimok sa gobyerno na suportahan ang panukalang ito. Ayon sa kanila, kailangan ito dahil sa edad at lumalalang kalagayan sa kalusugan ni Duterte, at ang mahigit 100 araw na nitong pagkakakulong sa Scheveningen Prison habang hinihintay ang paglilitis ng ICC.
Binanggit din ng mga kaalyado ni Duterte na ang pagkakahiwalay niya sa pamilya ay sapat na rason upang payagan siyang manatili sa bahay habang nasa kustodiya. Sa Davao City, naglabas ng resolusyon ang konseho para sa kanyang interim release, na may batayan sa kalusugan, karapatang pantao, at paggalang sa soberanya ng Pilipinas.
Nilinaw ni VP Sara na ang kumalat na litrato ni Duterte na tila payat na payat ay hindi totoo. Totoong pumayat ang dating presidente pero kaya pa rin niyang maglakad, ayon sa kanya. Ayaw din daw ni Duterte na mailibing sa Libingan ng mga Bayani kahit na may karapatan siya bilang dating pangulo.
Samantala, nagbabala si Rep. Jose Manuel Diokno laban sa resolusyong inihain ni Sen. Imee Marcos na humihiling na huwag payagan ang pag-aresto ng sinumang Pilipino para dalhin sa mga international court gaya ng ICC, kung walang local warrant. Ayon kay Diokno, may obligasyon pa rin ang Pilipinas sa ilalim ng Rome Statute kahit umatras na ito sa ICC.