Ang barkong Eternity C, na may bandilang Liberia at pinapatakbo ng kumpanyang Griyego, ay inatake malapit sa baybayin ng Yemen sa Red Sea. Ayon sa ulat ng mga opisyal, apat na Pilipinong seafarers ang nasawi sa drone at speedboat attack. Isa ito sa dalawang insidente ng pag-atake sa parehong araw matapos ang ilang buwang katahimikan sa rehiyon.
May 22 crew members sa barko—21 Pilipino at isang Russian. Gumamit umano ang mga armadong grupo ng sea drones at rocket-propelled grenades sa pag-atake. Ayon sa mga source, ang barko ngayon ay nakalutang at nakatagilid, habang ang iba pang tripulante ay naghihintay ng rescue mission mula sa mga maritime security firm.
Bago pa man ito, isang barkong pinangalanang MV Magic Seas, na pareho ring may bandilang Liberia at pinapatakbo ng Greek operator, ang inatake rin. Ayon sa Houthi group, ito ay lumubog. Ligtas naman ang lahat ng tripulante ng Magic Seas at nakarating sa Djibouti noong Lunes.
Nagpahayag ang International Maritime Organization (IMO) na ang panibagong pag-atake ay malinaw na paglabag sa international law at banta sa kaligtasan ng mga seafarers. Sinabi rin ng opisyal mula sa IMO na ang mga inosenteng tripulante at lokal na komunidad ang pangunahing biktima ng mga ganitong insidente.
Dahil dito, nanawagan ang Department of Migrant Workers ng Pilipinas sa mga Filipino seafarers na gamitin ang kanilang karapatang tumanggi na maglayag sa mga high-risk at war-like zones tulad ng Red Sea. Ayon sa mga eksperto, kahit pansamantalang huminto ang mga pag-atake, nananatili pa rin ang panganib hangga’t hindi natatapos ang tensyon sa Gaza.