Ang kilalang donut chain na J.CO Donuts and Coffee Philippines ay nagbabala sa publiko laban sa reselling ng kanilang produkto. Ayon sa kanila, wala silang opisyal o awtorisadong resellers, kaya hindi ito pinapayagan.
Sinabi ng J.CO sa kanilang Facebook post noong Hunyo 23 na “highly discouraged” ang pagbebenta ng donuts sa labas ng kanilang stores. Hinikayat nila ang lahat na bumili direkta sa kanilang mga branch para masigurado ang sariwa at maayos na kalidad ng paboritong donuts.
May ilang netizen sa Reddit ang nagtaka kung bakit maraming nagre-resell ng J.CO donuts. Sabi ng isang user, baka dahil kaunti lang ang branches sa ibang lugar gaya ng Northern Luzon kaya may naglalako sa mga terminal. May isa pang nagduda kung sariwa pa ang mga binebenta dahil baka discarded na donuts ito.
Noong Pebrero pa, may nagtatanong na rin tungkol dito at sinabi nilang matagal na nilang nakikita ang reselling sa mga sidewalk at Facebook groups. Hindi ito pasabuy, kundi parang sariling tindahan ng mga resellers.
Ang J.CO ay isang Indonesian cafe na kilala sa kanilang masasarap na donuts tulad ng Alcapone, Heaven Berry, Forest Glam, Sugar Ice, Jacky Chunk, Choco Nutzy, at Don Mochino.