
Ang isang pulis at isang holdaper ang namatay matapos magkaroon ng engkuwentro sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Lunes ng madaling-araw. Ayon sa pulisya, nakarinig sila ng putok ng baril malapit sa kanto ng Katuparan St. at Katipunan St. kaya agad silang pumunta roon.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakausap pa raw ng mga pulis ang suspek. Sinabi ng suspek sa pulis, "Dun tumakbo," pero bigla siyang bumunot ng baril at binaril ang pulis sa kanang dibdib.
Gumanti ng putok ang pulis at tinamaan ang suspek. Pumutok rin ang kasama ng pulis, dahilan para tuluyang mamatay ang suspek.
Bago ang engkuwentro, ayon sa testigo, hinoldap at binaril ng suspek ang isang 44-anyos na lalaki na tinamaan sa kaliwang balikat.
Isa pang tao ang tinamaan ng ligaw na bala at agad dinala sa ospital. Patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari.