Ang isang lalaki ay naaresto matapos pumasok sa isang bahay sa Barangay 8, Caloocan City nitong madaling araw ng Miyerkules. Sa kuha ng CCTV, makikita siyang umakyat sa countertop habang nakatalukbong ang mukha. Kinuha niya ang mga relo na nakalagay sa maliit na cabinet sa ibabaw ng refrigerator.
Ayon sa pulisya, nagkakahalaga ng P11,000 ang mga relo na kanyang tinangay. Habang mahimbing ang tulog ng mga nakatira, nakarinig sila ng kaluskos sa kusina kaya agad nilang chineck. Pagpunta sa kusina, inabutan nila ang suspek na kinukuha ang relo.
Pagkatapos, mabilis na tumakas ang lalaki sa bintana. Humingi ng tulong ang biktima sa barangay at pulisya. Nang ireview ang CCTV, agad nilang nakilala ang suspek na kapitbahay pala nila. Ayon sa mga opisyal, matagal na itong may reputasyon bilang magnanakaw sa lugar.
Naabutan ng mga awtoridad ang lalaki malapit sa kanyang bahay at hawak-hawak pa ang mga relo. Inamin niya ang kanyang ginawa at humingi ng paumanhin. Aniya, dala umano ng kahirapan kaya niya ito nagawa at pinagsisisihan niya ang kanyang aksyon.
Nasa kustodiya na siya ng Sangandaan Police Station at sasampahan ng kasong robbery.