Ang mga kamag-anak ng nawawalang sabungero ay muling nanawagan sa gobyerno na madaliin ang pagsisid sa Taal Lake. Ayon kay Aurelio Panaligan, tiyuhin ng dalawang nawawalang sabungero, dapat magsimula agad ang operasyon matapos ang pagbubunyag ng isang saksi.
Sinabi ni Panaligan na kung totoo ang salaysay ng witness, wala nang dahilan para mag-atubili ang mga otoridad sa kanilang aksyon. Naniniwala sila na mas mapapabilis ang paghahanap kung kikilos agad ang mga kinauukulan.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice na hihingi sila ng tulong mula sa mga expert divers upang tuluyang mahanap ang bangkay ng mga biktima.
Matatandaan na ayon sa witness, itinapon umano ang mga bangkay sa Taal Lake, dahilan kaya patuloy ang panawagan ng pamilya para sa agarang aksyon.