Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay pinuri ang mabilis na aksyon ng Makati City Police Station matapos mahuli ang tatlong suspek sa pagnanakaw ng fiber optic cables na gamit sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa EDSA-Guadalupe footbridge.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, nadiskubre ang insidente noong Hunyo 24 nang magloko at madiskonekta ang mga CCTV camera sa lugar. Lumabas sa imbestigasyon na tinangay ang kable na tinatayang nagkakahalaga ng PHP 104,000 at ibinenta raw sa mga junk shop.
Nahuli ang mga suspek nang bumalik sila sa Guadalupe para tangkain muli ang pagnanakaw. Hindi nila napansin ang mga pulis na nagpapatrolya. Nakuha sa kanila ang iba’t ibang gamit pangputol.
Sumailalim na sa inquest proceedings ang tatlo at nakakulong pa rin sa Makati City Police Station. Nagbigay babala ang MMDA na labag sa batas ang pagtanggal o pagsira sa pampublikong kagamitan.
Makikipag-ugnayan din ang MMDA sa Philippine National Police – NCRPO para mapigilan ang ganitong mga insidente sa hinaharap.