
Ang malaking sunog sa Barangay Central, Quezon City nitong Sabado ng gabi ay tumupok sa 30 bahay na tirahan ng 25 pamilya o 84 katao. Isang barangay tanod ang nasugatan matapos madulas at mahulog habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.
Ayon sa opisyal, sirang kable ng kuryente na nabasa ng ulan ang pinagmulan ng sunog. May kumislap na apoy sa kable, at nang buhusan ng tubig, lalo pang lumaki ang apoy hanggang pumutok ang isang tangke ng gas.
Isa sa mga residente, si Esterilina Mendoza, 69 anyos, ay inakay ng kanyang mga apo palabas ng nagliliyab nilang bahay. Wala silang naisalba kundi ilang mahahalagang papel. Humihingi siya ngayon ng tulong para makapagsimula muli dahil wala silang ibang pinagkakakitaan.
Ayon sa kanyang anak na si Wilfredo Mendoza, tatlong beses na silang nakaranas ng sunog pero ngayon lang tuluyang naabo ang kanilang bahay. Masakit man mawalan ng bahay, mas importante raw na ligtas ang pamilya.
Naapula ang apoy bandang alas-9 ng gabi. Pansamantalang nanunuluyan ang mga pamilyang nasunugan sa isang covered court sa barangay.