Ang limang minero ay natagpuang patay sa isang tunnel sa Quezon, Nueva Vizcaya nitong Martes, Hunyo 25. Ayon sa ulat, pumasok si Russel Tumapang sa tunnel para magtrabaho nang madiskubre niyang wala nang buhay ang kanyang mga kasamahan.
Kinilala ang mga biktima na sina Lipihon Ayudan, Joval Bantiyan, Alfred Bilibli, Florencio Indopia, at Daniel Segundo. Agad ipinagbigay-alam ni Tumapang ang insidente kay Barangay Chairman John Babliing, na humingi ng tulong sa mga pulis.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, posibleng nasuffocate ang mga minero dahil sa kakulangan ng oxygen sa loob ng tunnel.
Ang lugar ay kilala sa mga small-scale mining activities, kaya’t madalas na may mga panganib sa trabaho. Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon upang malaman ang buong detalye ng pangyayari.
Pinapaalalahanan ang mga minero at operator na siguruhing may sapat na safety measures sa mga ganitong uri ng trabaho upang maiwasan ang trahedya.