
Ang two-time NBA champion na si Kevin Durant ay opisyal nang lilipat sa Houston Rockets matapos ang isang malaking trade deal mula sa Phoenix Suns. Ibinunyag ang balita sa Fanatics Fest sa New York.
Sa kapalit, makukuha ng Suns sina Jalen Green, Dillon Brooks, ang No. 10 pick sa darating na NBA Draft, at limang second-round picks. Inaasahang magiging pinal ang trade pagsapit ng July 6, kasabay ng simula ng bagong NBA league year.
Kasama sa mga nais puntahan ni Durant noon ang Houston, Miami, at San Antonio. Sa panayam sa Fanatics Fest, sinabi niyang ang Houston ay “very fitting” at handa na siyang tumulong sa Rockets para sa mas malakas na laban sa titulo.
Natapos ang nakaraang season ng Rockets bilang No. 2 seed sa Western Conference, at ngayon ay mas pinalakas pa ng pagdating ni Durant. Nag-average siya ng 26.6 points, 6.0 rebounds, at 4.2 assists sa 62 laro. Siya rin ang may pinakamahabang active streak sa NBA na may 25+ points, 50% field goal, at 40% sa three-points sa tatlong sunod na seasons.
May isa pang taon si Durant sa kanyang kontrata na nagkakahalaga ng $54.7M USD at maaari siyang mag-renew ng two-year extension na aabot sa $122M USD. Malaking dagdag ang presensiya niya sa Rockets at inaasahang babago ang takbo ng laban sa Western Conference.