Ang isang aso na pinangalanang “Daga” ay hinampas sa ulo ng isang lalaking nagwawala sa Barangay 900, Sta. Ana, Maynila, nitong Linggo ng hapon. Ayon sa barangay officials, una umanong nakipagtalo ang lalaki sa kaniyang ama at pinsan, at nang mapagbalingan, pati ang aso ay sinaktan.
Sabi ni Fernando Mercado, kagawad ng barangay, “Nag-aamok siya, una ang tatay, sumunod ang pinsan, at pagkatapos, ang aso ang pinagbalingan.” Dagdag pa ng punong tanod na si Jhun Katigbak, isang concerned citizen ang nagtungo sa barangay para i-report ang insidente. “Pagtingin sa CCTV, nakita naming pinagpapalo niya ang aso hanggang mawalan ito ng malay.”
Ang aspin na si “Daga” ay walo pa lang na buwan. Ayon sa may-ari, kamag-anak niya ang suspek. “Nakita ko po kung paano niya hinampas ang ulo ng alaga ko. Hindi ako agad nakagalaw sa sobrang gulat,” ani ng may-ari. Nasa malubhang kondisyon ngayon ang aso at hindi na makatayo ng maayos.
May hinala ang beterinaryo na baka may fracture sa ulo ng aso. Kaya naman, desidido ang pamilya ng may-ari na maghain ng reklamo. “May karapatan ang mga hayop. Walang lugar ang karahasan sa aming barangay,” diin ni Mercado.
Hindi humarap sa kamera ang suspek, pero ang paliwanag niya, “Naalimpungatan lang daw siya.” Ngunit, nakatakdang isailalim siya sa inquest proceeding at mahaharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act.