
Ang isang 38-anyos na lalaki ay muling inaresto noong Martes ng hapon sa Taytay, Rizal dahil sa kasong murder. Ayon sa imbestigasyon, binaril daw ng lalaki ang kanyang kapitbahay noong taong 2013, na kalauna’y namatay.
Habang nakakulong na siya sa Taytay Municipal Police Station dahil sa kasong alarm and scandal noong Pebrero 15, 2025, lumabas sa records na may nakabinbin pa pala siyang warrant of arrest para sa krimen ng murder.
Paliwanag ni PCol. Felipe Maraggun, hepe ng Rizal Police, alitan o personal na galit ang lumalabas na dahilan sa pamamaril. Nauna na ring nakulong ang lalaki noong 2021 dahil sa kasong qualified theft.
Mariin naman itong itinanggi ng suspek. Ayon sa kanya, "Wala na raw silang ibang mapagbintangan kaya ako na lang ang itinuturo."
Sa ngayon, wala nang inirekomendang piyansa para sa kasong murder. Sabi pa ni Maraggun, "Sa muling pagkakaaresto, mabibigyan ng hustisya ang napatay noong 2013."