
Ang larawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang iniinspeksyon ang nasunog na San Francisco High School sa Quezon City ay naging usap-usapan online. Ipinost ito sa kanyang opisyal na Facebook page noong Hunyo 18, 2025 at agad na kumalat.
Ipinapakita sa litrato si Marcos kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), nakaturo sa isang bagay sa labas ng kamera. Ngunit maraming netizen ang nagtanong kung ito ay AI-generated o edited.

Isa sa mga nag-comment ay nagsabing, "Nyare sa’yo BBM, tumagos yung bumbero sa pader," habang ang iba'y nagtaka kung bakit kailangang baguhin ang litrato. May nagsabi rin na, "Mas ok pa AI mag-edit."
Ang nasabing paaralan ay nasunog noong Hunyo 15, isang araw bago ang pasukan. Nasira ang Dao Building kung saan matatagpuan ang walong silid-aralan ng Grade 9 at 10. Kasama ni Marcos sa pagbisita sina DepEd Secretary Sonny Angara at QC Mayor Joy Belmonte.

May ilang netizen na ipinagtanggol ang larawan at nagbahagi ng video report ng aktwal na pagbisita bilang patunay na totoo ito at hindi edited. Ngunit patuloy pa rin ang debate kung tunay o peke ang kuha.