
Ang mga pulis ay pinayagan lang na magbantay sa labas ng mga paaralan bilang bahagi ng kampanya laban sa bullying, ayon kay Education Secretary Sonny Angara. Aniya, ang mga away na may kinalaman sa bullying ay kadalasang nangyayari sa labas ng paaralan, kaya mahalagang may presensya ng pulis sa paligid.
Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, puwede nang i-report ang bullying sa 911 emergency hotline. Ito ay bahagi ng mas pinaigting na hakbang ng gobyerno matapos bansagan ang Pilipinas bilang “bullying capital of the world.”
Sang-ayon si PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo sa sinabi ni Angara. Dagdag pa niya, hindi papasok ang mga pulis sa loob ng paaralan kung walang pormal na request mula sa school officials.
Sinang-ayunan rin ito ni Quezon City Mayor Joy Belmonte. Aniya, ang presensya ng pulis sa loob ng paaralan ay maaaring magdulot ng takot at kaba sa mga estudyante, kaya mas mainam kung sa labas lang sila.
Nagpatupad din ang Quezon City ng sariling kampanya kontra bullying. Magkakaroon sila ng values formation program para sa mga magulang, upang turuan ang kanilang mga anak ng tamang asal at respeto sa kapwa.