Ang bagong trailer ng Jurassic World Rebirth ay nagpapakita ng isang mundo kung saan mga dinosaur na ang namumuno sa Earth. Limang taon matapos ang mga kaganapan sa Jurassic World Dominion, lumalabas na may mga lugar kung saan nagtagumpay ang mga dinosaur na mabuhay at dumami, lalo na sa isang bawal na isla na dating bahagi ng Jurassic Park.
Pinangungunahan ito ni Scarlett Johansson bilang Zora Bennett, isang expert sa covert operations. Kasama ang bagong grupo, may misyon silang kuhanin ang genetic material mula sa mga pinakamalalaking dinosaur sa isla. Ngunit nagkagulo ang lahat nang mapasabak sila sa matinding panganib, lalo na nang makasalubong nila ang isang na-shipwreck na pamilya.
Ang trailer ay puno ng aksiyon at tensyon, nagpapakita ng mga kilalang dinosaur tulad ng T-Rex at Mosasaurus, at mga bago’t mas nakakatakot na nilalang tulad ng Distortus Rex (may anim na paa) at Mutadon, bunga ng mga eksperimento ng InGen.
Sa direksyon ni Gareth Edwards at sulat ni David Koepp (na orihinal ding sumulat ng Jurassic Park), ang pelikula ay tila isang standalone survival adventure. Ito ay mas intense, mas wild, at mas nagpapakita ng pakikipaglaban ng tao kontra sa mga nilalang na hindi na nila kayang kontrolin.
Mapapanood ang Jurassic World Rebirth sa mga sinehan simula Hulyo 2, 2025. Isa itong pelikulang siguradong aabangan ng mga tagahanga ng franchise.