
Ang Department of Education (DepEd) ay nagsimula ng bagong curriculum para sa Senior High School (SHS) sa 841 paaralan sa buong bansa nitong pagpasok ng school year. Layunin ng pagbabago na bawasan ang dami ng aralin at mas mapaghandaan ang mga estudyante sa trabaho o kolehiyo.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, may sobra-sobrang subjects ang SHS kaya hirap ang mga estudyante na mag-focus. Mula 33 subjects sa loob ng dalawang taon, magiging 5 na lang ang core subjects tulad ng Life Skills, General Math, Science, Communication, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino. Dagdag pa rito, doble na rin ang work immersion hours mula 340 papuntang 640 oras.
Kasabay ng SHS reform, ipatutupad din ang MATATAG curriculum para sa Grades 2, 3, 5 at 8 ngayong taon. Samantala, tiniyak ng PNP na naging payapa ang pagbubukas ng klase sa buong bansa. Mahigit 37,000 pulis ang na-deploy sa mga paaralan para sa Ligtas Balik-Eskwela.
Samantala, pinirmahan din ni President Marcos ang mga patakaran ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP). Layunin nitong tulungan ang mga hindi nakatapos ng kolehiyo dahil sa trabaho, na makakuha ng diploma gamit ang kanilang karanasan sa trabaho.
Ngunit ayon kay Rep. France Castro, hindi sapat ang mga repormang ito. Binigyang-diin niya ang kakulangan ng 165,000 silid-aralan at 56,050 guro sa buong bansa. Tinawag din niyang “band-aid” solution ang mga pansamantalang paraan gaya ng multiple shifts at hybrid learning sa mga siksik na paaralan.