
Ang mga motorista na posibleng may traffic violation sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng MMDA ay maaari nang mag-check online kung may huli sila. Sa post ng MMDA sa Facebook noong June 16, sinabi nilang bukas na ang "May Huli Ka" website na maaring i-access gamit ang cellphone, tablet, o computer.
Pagpasok sa website, kailangan lang ilagay ang plate number, conduction sticker, at motor vehicle file number. Pagkatapos, i-click ang "Check" para makita kung may violation. Kung meron, makikita rin sa site kung paano magbayad ng multa, saan ito babayaran, at paano mag-apela kung nais labanan ang kaso.
Muli nang ipinatupad ang NCAP noong May 26. Kapag may violation, nire-review ito ng MMDA operator gamit ang CCTV footage. Kapag nakumpirma, lalabas na agad ang Notice of Violation at ipapadala sa address ng motorista.
Maaaring bayaran ang multa online sa pamamagitan ng Landbank portal o personal sa MMDA Redemption Office sa Pasig. Kapag hindi nabayaran, ilalagay ang plaka ng sasakyan sa LTO alarm list na posibleng maging dahilan para hindi ito mairehistro.
Sakop ng NCAP ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila gaya ng EDSA, Roxas Blvd., Taft Ave., Shaw Blvd., Quezon Ave., at iba pa. Dating sinuspinde ang NCAP noong 2022, ngunit May 20, 2025, pinayagan na ulit ito ng Supreme Court pero MMDA lang ang pwedeng magpatupad nito.