Ang isang Chinese fugitive ay nagwala sa NAIA Terminal 3 matapos hindi payagang makapasok sa Pilipinas. Si Shi Baoyi, 36 anyos, ay dumating mula Hanoi, Vietnam noong Mayo 29 sakay ng Cebu Pacific. Pagdating niya, agad siyang na-flag ng immigration dahil nasa blacklist na siya.
Sa sobrang inis, sinaktan ni Shi ang sarili sa pamamagitan ng pagsalpok ng kanyang ulo sa salamin ng fire extinguisher case. Tinulungan agad siya ng medical team, pero kahit may sugat, tinuloy pa rin ng Bureau of Immigration ang proseso ng pag-deny sa kanya.
Noong Hunyo 9, ibinalik na si Shi sa China sakay ng China Southern Airlines. Siya ay tuluyang na-blacklist sa Pilipinas at hindi na puwedeng makabalik. Ayon sa ulat, si Shi ay nahatulan noong 2022 sa Henan Province dahil sa kasong may kinalaman sa credit card fraud. Bukod dito, may iba pa siyang pending na kaso sa China.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Viado na kahit nagwala si Shi, hindi ito naging hadlang para ipatupad ang batas. “Walang sinuman ang puwedeng magpigil sa amin na gawin ang aming tungkulin,” pahayag ni Viado.
Si Shi ay itinuturing na isang undesirable alien at wanted fugitive, ayon sa komunikasyon ng Chinese government noong Abril.