
Ang isang 63-anyos na lalaki na empleyado ng Kamara ay nasawi matapos siyang barilin sa isang birthday party ng kanyang anak. Naganap ang insidente sa isang subdivision sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Linggo ng hapon, June 15, 2025.
Kinumpirma ng Batasan Police Station ang insidente. Ayon sa paunang ulat, habang ginaganap ang kasiyahan, isang hindi pa nakikilalang suspek ang lumapit at bigla na lang nagpaputok ng baril.
Agad dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital, pero idineklarang dead on arrival. Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa krimen.

Ikinabigla ng mga dumalo sa party ang pangyayari, lalo’t ito ay dapat na masayang pagtitipon para sa anak ng biktima. Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang ilang opisyal mula sa Kamara sa pamilya ng nasawi.
