Ang Apple ay may malaking pasabog sa WWDC25. Tinawag ito ni Craig Federighi na “once every 10 years” update – ang huli raw na kasing laki nito ay noong iOS 7 sa 2013. Isa sa pinakamalaking pagbabago ngayon ay ang Liquid Glass, isang bagong translucent digital material na nagbibigay ng mas makintab, mas buhay na hitsura sa buong interface ng Apple devices. Gumagalaw ito ayon sa user input at mukhang totoong salamin—nakikita ang paligid, nagre-reflect at nagre-refract.
Bida rin ang bagong Phone app sa iOS 26. Pinag-isa na ang tawag, messages, at voicemail para sa mas organisado at madaling access sa lahat ng komunikasyon. May bagong anti-spam features din para salain ang texts at calls mula sa unknown numbers. Kasama pa, makakarating na rin sa Mac ang Phone app para sa mas solidong Apple ecosystem.
Mas matalino na rin ang Apple devices, salamat sa Apple Intelligence. May real-time Live Translation na sa Messages at FaceTime, at ang Apple Maps ay marunong nang matuto ng iyong daily routine. Sa Wallet app, ipapakilala ang Digital ID, na maaaring gamitin sa ilang airport kahit wala kang physical ID.
Hindi rin nakalimutan ang iPad at Apple Watch. Ang iPad ay magkakaroon ng bagong windowing system at customizable menu bar, kaya mas madali at multitasking-friendly na siya. Ang Apple Watch naman ay magkakaroon ng Workout Buddy, isang AI-powered coach na nagbibigay ng spoken motivation habang nag-eehersisyo ka.
Kahit ang AirPods at CarPlay may bagong paandar. Pwede ka nang mag-record ng studio-quality audio gamit ang AirPods, at inaayos na rin ang look ng CarPlay para sa mas modernong experience.