
Ang isang dating estudyante ay namaril sa Dreierschuetzengasse High School sa Graz, Austria nitong Martes, na nagresulta sa pagkamatay ng 10 katao. Ayon sa pulisya, 21-anyos ang suspek at pagkatapos ng pamamaril ay nagpakamatay sa loob ng banyo ng paaralan.
Pito sa mga biktima ay babae at tatlo ay lalaki. Isa sa kanila ay 17-anyos na French student. Labindalawa pa ang malubhang nasugatan, at kasalukuyang binibigyan ng tulong ang mga saksi at apektado ng insidente.
Ayon sa imbestigasyon, ang suspek ay may legal na armas at dating estudyante ng nasabing paaralan ngunit hindi natapos ang kanyang pag-aaral. Natagpuan din ang isang sulat sa kanyang bahay na nakalaan para sa kanyang mga magulang, ngunit walang binanggit na motibo.
Nagdeklara si Austrian Chancellor Christian Stocker ng tatlong araw ng pambansang pagluluksa. Tinawag niya itong isang “madilim na araw” para sa bansa at “di-masukat na karahasan”.
Bihira ang ganitong insidente sa Austria, isa sa mga bansang itinuturing na pinakaligtas sa mundo. Ngunit tulad ng ibang bahagi ng Europa, unti-unting tumataas ang bilang ng mga pag-atake sa mga paaralan.