
Ang “Golden Boy” ng Pilipinas na si Carlos Yulo ay muling nagpakitang-gilas matapos niyang masungkit ang ika-apat na sunod na gold medal sa 2025 Artistic Gymnastics Asian Championships na ginanap sa Jecheon, Korea.
Sa Floor Exercise, umiskor si Yulo ng 14.600 points—sapat para talunin si Milad Karimi ng Kazakhstan na may 14.400, habang ang bronze ay napunta kay Moon Geonyoung ng Korea na may 14.033.
Bukod sa gold, nag-uwi rin si Yulo ng dalawang bronze medal—isa sa individual all-around at isa pa sa parallel bars.
Sa all-around, nakakuha siya ng 14.133 sa Floor Exercise, 13.100 sa Pommel Horse, at 13.634 sa Rings. Umangat din siya sa Vault na may 14.500 points, habang sa Parallel Bars ay may 14.167 at 13.800 naman sa Horizontal Bars.
Nagningning muli si Yulo noong June 8 matapos makuha ang bronze sa Vault event na may score na 14.333.
Pumangalawa siya kay Mahdi Olfati ng Iran at Huang Mingqi ng China. Sa parehong araw, tinapos niya rin ang parallel bars sa third place na may 14.166 points.
Ang Philippine Sports Commission ay todo-puri kay Carlos sa kanyang tagumpay.
Sa kanilang post, sinabi nila, “Tunay na #BidaAngBayaningManlalaro sa iyong husay!” Dagdag pa nila, “Salamat sa ipinamalas mo na galing, Caloy! Mabuhay ka!”
Hindi lang si Carlos ang nagdala ng karangalan—sumunod din ang kanyang nakababatang kapatid na si Eldrew Yulo.
Ang 16-anyos na si Eldrew ay nakakuha ng silver medal sa junior vault event matapos makuha ang average score na 13.850 points. Ito na ang ikatlong sunod na taon niyang nasa podium, matapos ang gold sa Uzbekistan noong 2024 at silver sa Singapore noong 2023.