Ang isang pamilya sa Barangay 109-A, Tacloban City ay nabigla nang mapansin ang isang sawa na bumababa mula sa kisame ng kanilang bahay, pasado alas-12 ng tanghali nitong Linggo, June 8, 2025. Unang nakita ang ahas sa may banyo, dahilan para agad silang humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Nirespondehan agad ang insidente at umabot ng halos 15 minuto bago tuluyang nakuha ang sawa mula sa kisame. Ayon sa mga nakakita, tila naghahanap ito ng mas malamig na lugar, kaya marahil ay banyo ang tinumbok nito dahil sa init sa kisame.
Napansin din ng mga residente na nanghihina ang sawa. Tinatayang nasa isang metro ang haba nito. Sa kabutihang palad, walang nasaktan at naging maayos ang pag-rescue sa hayop.
Nakasaad na ang sawa ay ituturn-over sa DENR para sa tamang pangangalaga. Muling ipinaalala ng mga otoridad na bawal hulihin o patayin ang mga wildlife tulad ng sawa dahil ito ay kabilang sa mga nanganganib nang maubos na hayop.
Maging alerto sa mga ganitong sitwasyon, ngunit panatilihin ang kalmado. Sa ganitong paraan, parehong ligtas ang tao at ang hayop sa anumang kapahamakan.