Ang Funnull Technology Inc, isang kompanyang nakabase sa BGC, Manila, ay sinanction ng gobyerno ng Estados Unidos matapos itong masangkot sa pig killing scam na nagdulot ng higit $200 milyon na pagkalugi sa mga biktima sa buong mundo. Ayon sa imbestigasyon, Chinese operators umano ang nasa likod ng operasyon, gamit ang teknolohiya ng Funnull para sa online love scams at fake crypto investments.
Ang pig killing ay isang uri ng online scam kung saan nagpapanggap ang mga scammer bilang kaibigan o kasintahan online, at hinihikayat ang biktima na mag-invest sa isang pekeng crypto platform. Kapag wala nang maibigay na pera ang biktima, bigla na lang silang nawawala kasama ang lahat ng investment.
Nadiskubre ng US Treasury na kontrolado ng kompanya ang higit 330,000 fake websites, at konektado ito sa karamihan ng mga fraud platforms na iniimbestigahan ng FBI. Isa sa mga mastermind, si Liu Lizhi, isang Chinese citizen, ay may hawak umano ng mga dokumento sa loob ng kompanya at responsable sa pagbibigay ng domain names para sa phishing, fake crypto, at online gambling.
Mas nakakagulat pa, ang kompanyang ito ay rehistrado sa isang government-certified technology park sa Pilipinas at nakikinabang pa sa tax benefits. Ang opisina nito ay nasa Net Cube Centre sa BGC—isa sa mga kilalang commercial buildings sa lungsod.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa gobyerno ng Pilipinas tungkol sa issue. Dahil dito, nagkakaroon ng tanong kung may kakulangan sa regulasyon o kung may mga nasa loob na sangkot sa cover-up. Inuungkat pa kung may corruption na nagbigay-daan sa ganitong malawakang scam na makapagtago sa likod ng legal na negosyo.