Ang isang 49-anyos na lalaki mula South Korea ay inireport na ibinangga ang kanyang sasakyan sa dagat, dahilan para masawi ang kanyang asawa at dalawang anak. Ayon sa pulisya, labis umano ang dinanas niyang stress sa utang na umabot sa ₩160 milyon o mahigit ₱6.5 milyon.
Si Ji, isang rebar foreman sa mga construction site, ay nahirapang bayaran ang mga trabahador at naapektuhan din ang kontrata sa ilang kumpanya—dahilan ng kanyang pagkabaon sa utang.
Nag-ugat ang imbestigasyon nang hindi pumasok sa klase ang bunsong anak ni Ji. Na-trace ng pulisya ang cellphone ng pamilya sa Jindo Port kung saan nakita sa CCTV na tumuloy sa dagat ang sasakyan.
Bago ang trahedya, isinama ni Ji ang pamilya sa isang biyahe sa Muan County. Ayon sa ulat, pinainom umano niya ng sleeping pills ang asawa at mga anak na pinalabas niyang food supplement. Tumalon siya palabas ng bintana ng driver’s seat at tumakas.
Nahuli si Ji at ang kasamang si Kim, 49-anyos, na tumulong sa pagtakas gamit ang isa pang sasakyan. Pareho silang inaresto noong Lunes, at isinailalim si Ji sa court hearing sa Gwangju ngayong Hunyo 4.