
Ang hip-hop group na ALLMO$T ay muling nagpakilig sa kanilang bagong single na “Baby Girl”, isang R&B love song na siguradong mapapa-sway ka. Pinasilip nila ang teaser sa Facebook kung saan inanunsyo rin nila ang music video na ipapalabas ngayong 4 PM, sa direksyon ni Jerome Esporlas.
Ngayong taon, ito na ang ikalimang release ng grupo. Bago ito, inilabas nila ang mga kantang “Mailap,” “Yellow,” “One Time,” at ang collab hit na “AKO PA BA O HINDI?” kasama sina Yuridope at ANJ, noong Abril 25.
Binuo mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo — Italy, Canada, at Olongapo, sina Clien Alcazar, Russell dela Fuente, Jomuel “Jom” Casem, at Angelo Luigi “Crakky” Timog ay bumubuo sa ALLMO$T. Pinasikat nila ang awit na “Boyfriend,” na nanatili sa Billboard Philippines Top Songs chart.
Unang nakilala ang grupo noong 2018 sa kanilang debut track na “Rubber Band.” Mula noon, tuloy-tuloy ang pag-angat ng pangalan nila sa lokal na hip-hop scene.
Makinig na sa “Baby Girl” at hayaan ang ALLMO$T na muling bumihag ng puso mo.