
Ang dalawang Chinese scientist na sina Yunqing Jian at Zunyong Liu ay kinasuhan dahil sa umano’y pagdadala ng isang delikadong fungus papuntang Amerika. Plano nilang pag-aralan ang fungus na ito sa isang unibersidad sa US, ayon sa Department of Justice.
Ang fungus na tinatawag na Fusarium graminearum ay nagdudulot ng sakit sa mga tanim tulad ng trigo, mais, at bigas, at tinuturing na posibleng gamitin bilang agroterrorism weapon. Malaki ang pinsalang naidudulot nito sa agrikultura bawat taon.
Ayon sa kaso, nilinlang ni Liu ang mga awtoridad bago aminin ang smuggling para mag-research sa University of Michigan, kung saan nagtatrabaho ang nobyang si Jian. Inilarawan ito ng US Attorney bilang isang national security issue, lalo na’t miyembro si Jian ng Chinese Communist Party.
Sa kabilang banda, may isang Russian scientist mula sa Harvard na posibleng ma-deport dahil hindi niya inideklara ang mga biological samples sa kanyang bag matapos bumalik mula sa Paris.