Ang isang 3-anyos na batang lalaki sa Pasay City ay nagkasakit ng bato matapos niyang malamang makain ang gummy vitamins ng kanyang lola na inisip niyang kendi lang. Ayon sa lola niyang si Angelica dela Cruz, naubos ng bata ang 40 piraso ng collagen gummies ilang linggo na ang nakalipas.
Kinabukasan, napansin nilang namaga ang mukha ng bata at nagkaroon ng rashes sa kanyang balat. Nagpunta sila sa ospital at naisip ng doktor na allergy lamang ito kaya binigyan sila ng gamot.
Ngunit limang araw pagkatapos, hindi na dumudumi ang bata at nawalan ng gana kumain. Sa ultrasound, lumabas na namaga na ang kanang bato niya at nagkulay pula ang ihi. Na-admit siya sa ospital ng mahigit dalawang linggo at muntik nang ma-dialysis.
Nalaman din na hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang gummy vitamins na ito, kaya dapat maging maingat sa pagbibigay ng ganitong produkto sa mga bata.