Ang propesor sa Florida na si Cris Hassold ay tunay na minahal ang kanyang mga estudyante—hanggang sa huli. Sa kanyang pagpanaw noong 2020 sa edad na 89, iniwan niya ang karamihan ng kanyang P156 milyon na ipon sa mga estudyanteng naging bahagi ng kanyang buhay.
Isinulat sa kanyang testamento ang 36 tao, kung saan 31 dito ay dati niyang estudyante. Ang bawat isa ay tumanggap ng halagang mula P1.4 milyon hanggang P31 milyon, depende sa kung gaano sila kalapit sa kanya at kung gaano niya nakita ang kanilang pangangailangan.
Isa sa mga nabigyan, si Archer, ay halos hindi makapaniwala nang makatanggap ng P5.5 milyon. “Akala ko mali ang basa ko. Binilang ko pa talaga kung ilang zero,” kwento niya.
Hindi nag-asawa o nagkaanak si Hassold, kaya itinuring niya ang kanyang mga estudyante bilang sariling mga anak. Madalas niya silang isama sa hapunan para tanungin tungkol sa kanilang mga pangarap sa buhay. “Ano ang gusto mong gawin? Paano mo mararating ‘yon?” – ilan lang sa mga tanong niya noon.
Ikinuwento rin ng ilan na si Hassold ang unang taong nagbigay sa kanila ng buong pagtanggap—isang bagay na hindi nila naranasan mula sa sariling pamilya. Isa siyang propesor na hindi lang nagturo, kundi tunay na nagmalasakit.