Ang Grandmaster Daniel Quizon ay muling nagpakitang-gilas sa chess matapos niyang magkampeon sa 1st Bino Car Rental Open Individual Rapid Chess Tournament na ginanap sa Pavilion Mall, Greenfield District, Mandaluyong.
Sa 7-round Swiss system event, nagtala si Quizon ng 6.5 points—anim na panalo at isang draw kontra kay Lennon Hart Salgados sa huling round. Sa kanyang mahusay na performance, naiuwi niya ang ₱7,000 top prize.
“Masaya ako sa panalo, lalo na’t maraming sumaling untitled players mula sa Metro Manila at karatig na probinsya,” pahayag ni Quizon nitong Lunes.
Ito na ang ikalawang championship niya ngayong taon, kasunod ng panalo sa 15th Kamatyas Rapid Chess Tournament sa SM Southmall Las Piñas noong Marso.
Ang torneo ay inorganisa nina Einnar Marc Reyes at Woman Fide Master Cherry Ann Mejia, na layuning iangat pa ang lokal na chess scene sa bansa.