
Ang ina na si Angelita Batiao, isang house cleaner, ay nagtatrabaho noong Lunes ng umaga nang ipakita ng kanyang kaibigan ang isang viral video sa social media. Laking gulat niya nang makumpirmang ang lalaking duguan sa video ay ang kanyang nag-iisang anak, si Christian Dave Sapio.
Ayon sa pulisya ng Bacoor City, natagpuan ang katawan ng 29-anyos na si Christian dakong alas-4 ng madaling araw sa Bitas Road, Barangay Molino 2, Bacoor City, Cavite. Siya ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan. Nalaman din na may nakipag-usap na babae sa biktima online at nag-set ng meet-up, ngunit pinaghihinalaang ito ay isang set-up kasama ang dalawang lalaki.
Lubos ang sakit na naramdaman ni Angelita sa pagkawala ng anak na bihira na niyang makita dahil ito’y nakatira mag-isa at nagtatrabaho bilang food delivery rider. Ang mas mabigat pa, wala siyang sapat na pera para ilibing ang anak. Singil ng punerarya para sa autopsy at preparation ay nasa ₱60,000, halaga na hindi niya kayang bayaran.
Hindi rin alam ni Angelita kung makakamit pa nila ang hustisya, dahil sa hirap ng buhay. Napilitan siyang ipa-cremate ang anak sa tulong ng lokal na programa. Umaasa siya sa tulong ng ibang tao para sa gastos sa burol at panalangin na sana ay maintindihan siya ng anak kung sakaling hindi na niya ipaglaban ang kaso.