Ang LTO ay naglabas ng show cause order laban sa may-ari ng Yamaha NMAX na motorsiklong sangkot sa viral na insidente sa EDSA bus carousel. Ayon sa DOTr-SAICT, hindi huminto ang rider kahit pinapara na ng mga awtoridad, at sa halip ay tumakas habang nang-iinsulto pa umano.
Ang insidente ay nangyari noong Miyerkules, bandang alas-7:00 ng umaga malapit sa Nepa Q-Mart Station, southbound lane. Sa video na kumalat online, malinaw na lumabag ang rider sa Republic Act 4136 dahil sa Reckless Driving, Walang Lisensya, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Dahil dito, sinuspinde ng LTO ang lisensya ng may-ari ng motorsiklo sa loob ng 90 araw. Inilagay rin sa ilalim ng alarm ang kanyang lisensya at motor, at inutusan siyang isuko ito sa araw ng hearing.
Pinaharap ng LTO ang may-ari at rider sa kanilang Intelligence and Investigation Division sa East Avenue, Quezon City. Kung hindi sila dadalo, ang magiging desisyon ay ibabatay na lamang sa viral na video.