
Ang Marvel at DC ay magsasanib-puwersa para sa isang espesyal na comic na pinamagatang Deadpool/Batman. Isang one-shot issue ito na ilalabas sa Setyembre 17, 2025. Si Zeb Wells, na kilala sa pagsusulat ng Spider-Man at Deadpool & Wolverine movie, ang magsusulat nito. Ang sikat na artist na si Greg Capullo, na nagtrabaho sa Batman at X-Men, ang gagawa ng mga guhit.
Kwento ito ni Deadpool na tatanggap ng kontrata sa Gotham City, at doon niya makakatapat si Batman, ang "World’s Greatest Detective." Sabi ni Wells, hindi na siya humingi ng break matapos ialok sa kanya ang proyektong ito. Biro pa niya, “Nakahanap kami ng karakter na mas mainit pa ang ulo kaysa kay Wolverine.”
Ang crossover na ito ang unang major collab ng Marvel at DC sa loob ng mahigit 20 taon. Kasunod ng Deadpool/Batman #1 mula sa Marvel ngayong Setyembre, susunod naman ang Batman/Deadpool #1 ng DC sa Nobyembre 2025. Magkakaroon ng sariling bersyon ang bawat publisher para mas maipakita ang personalidad ng kanilang karakter.
Ayon kay Capullo, malaking karangalan ang project na ito. Aniya, "Parang panaginip! Posibleng ito na ang highlight ng career ko." May kasaysayan si Capullo sa parehong karakter — dati siyang gumuhit sa X-Force kasama si Deadpool at matagal ding naging artist ng Batman sa DC.
Habang palapit ang release date, tumataas ang excitement ng fans. Inaasahan ang intense na aksyon, lalo na't may malaking banta mula kay Joker, na mag-uudyok ng team-up sa pagitan nina Batman at Deadpool.