Ang No Contact Apprehension Policy o NCAP ay muling ipinatupad noong Lunes, at agad itong nakapagtala ng 1,112 traffic violations, ayon sa MMDA. Ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group Director Atty. Vic Nuñez, ang mga paglabag ay na-monitor mula umaga hanggang hatinggabi.
Mas mababa ito kumpara sa 3,900 violations na naitala noong parehong araw ng nakaraang taon nang walang NCAP. Ilan sa mga karaniwang paglabag ay ang hindi pagsunod sa traffic signs, paggamit ng EDSA busway at motorcycle lane nang walang pahintulot, at paglabag sa mga loading at unloading areas.
Paliwanag ni MMDA Chairman Romando Artes, noong taong 2022, nasa 114,000 lamang ang kabuuang bilang ng violations habang may NCAP. Pero noong 2023, habang suspendido ang programa dahil sa TRO, lumobo ito sa halos 391,000 violations kahit walang naisyung ticket.
Ipinapakita raw nito na kapag walang NCAP o traffic enforcer, mas dumarami ang lumalabag sa batas trapiko. Sa ngayon, patuloy ang MMDA sa pagsubaybay para mapanatili ang disiplina sa kalsada.