
Ang OFW na si Rome Pagkanlungan ay masakit na inalala ang pagkawala ng kanyang asawa na si Nerissa, sa isang malagim na car attack sa Vancouver, Canada noong April 26. Isa si Nerissa sa labing-isang namatay matapos banggain ng SUV ang isang kasiyahan ng Filipino community. Ayon kay Rome, masaya sana ang araw na ‘yon hanggang bigla na lang silang sinalpok ng sasakyan.
"Alam mong hindi aksidente, sinadya talaga," ani Rome. Nakita niyang paparating ang sasakyan at ilang saglit lang ay nagkagulo na ang lahat. Tinamaan din siya pero agad siyang tumayo at nakita ang kanyang asawang wala nang malay. Wala raw sugat o dugo si Nerissa, kaya umasa pa siyang maililigtas ito. Pero matapos ang ilang minutong CPR, itinigil na ng mga doktor ang pag-revive.
Hindi pa rin makapaniwala si Rome sa nangyari. Ayon sa kanya, hindi siya galit sa suspek, kundi naka-focus siya kay Lord. Naniniwala siyang may dahilan ang lahat. Ngunit nananalangin siyang magkaroon ng katarungan para sa lahat ng biktima.
Dinala na sa Pilipinas ang labi ni Nerissa sa tulong ng gobyerno. Ililibing siya sa Cavite sa darating na Huwebes.
High school sweetheart ni Rome si Nerissa. Sa mensahe niya, taos-pusong pasasalamat ang ipinahatid niya sa kanyang asawa: “Salamat sa 30 taon na pagmamahalan. Pangako ko, magiging matatag ako para sa pamilya. Mahal na mahal kita.”