
Ang pamilya ng isang 48-anyos na election leader sa Naic, Cavite ay nananawagan ng hustisya matapos itong barilin sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Sabang nitong Sabado, Mayo 24. Sa CCTV, kita na bumaba siya ng SUV para buksan ang gate nang biglang lapitan at barilin sa ulo ng isang lalaki na may suot na jacket at sumbrero.
Ang suspek ay mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaril. Ayon sa barangay deputy officer na si Arnold Merallo, wala nang buhay ang biktima nang matagpuan ito.
Ayon sa asawa ng biktima, maaaring may kinalaman sa politika ang krimen. Isa kasi siya sa mga aktibong tagasuporta ni Mayor-elect Rommel Magbitang noong halalan. Sinabi rin ng biktima sa kanyang asawa na may mga pagbabanta siyang natatanggap bago at sa mismong araw ng eleksyon.
May tatlong anak ang iniwang pamilya, kabilang ang panganay na kamakailan lang ay pumasa sa Licensure Exam for Teachers. Masakit para sa kanila na mawalan ng ama sa panahong nagsisimula pa lang silang abutin ang kanilang mga pangarap.
Wala pang pahayag mula sa kampo ni Mayor-elect Magbitang, habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Naic Police sa insidente.