Ang buhay estudyante ni Franze Nathaniel Regondola ay hindi madali. Sa edad na 20, nagtitinda siya ng meryenda sa paaralan upang matustusan ang kanyang pag-aaral. Tuwing alas-5 ng umaga, tinutulungan siya ng kanyang ina sa paghahanda ng paninda bago siya pumasok ng alas-7. "Ako na po ‘yung naglalako sa school. Yung ibang kita, binibigay ko po sa nanay ko," ani Franze.
Hindi naging masaya ang kanyang kabataan, pero malaking aral ang kanyang natutunan. “Natuto po akong dumiskarte sa buhay,” ani Franze habang kinukuwento ang hirap ng sitwasyon nila. May bone cancer ang kanyang stepfather at stage 2 thyroid cancer ang kanyang ina. Ngunit kahit ganito ang kalagayan, hindi siya sumusuko.
Determinado si Franze na makatapos ng kolehiyo. Ani niya, “Kung ititigil ko ang pag-aaral, mas lalong magiging mahirap ang buhay namin.” Kaya kahit may nagtatanong kung nahihiya ba siyang magtinda, sagot niya, “Ito po ‘yung buhay namin, at hindi ko po ikakahiya ‘yon.”
Isa lang si Franze sa libu-libong estudyanteng nagsusumikap. Para sa kanya, basta may pangarap at determinasyon, walang imposible. “Ituloy lang po nila ‘yung pangarap nila. Wala pong mangyayari kung titigil tayo,” payo niya sa kapwa working students.
Ang kwento ni Franze ay inspirasyon sa marami. Isang patunay na kahit gaano kahirap ang buhay, may pag-asa kung may sipag, tiyaga, at pagmamahal sa pamilya.